Isang bukas na liham para kay Manny
Isang bukas na liham kay Pacman
Arnold Clavio
Dear Manny,
Nais kong simulan ang liham kong ito sa pagbati sa iyo ng isang magandang araw. Sana ay lagi kang pagpalain ng Poong Maykapal tulad ng matagal na Niyang ginagawa sa iyo.Kamusta na ang pambansang kamao?Hindi mo ako personal na kakilala. Pero maituturing mo akong tagahanga sa tuwing may laban ka. Hindi man 100 porsyento na humahanga ako sa iyo, pero nasa likod mo ako palagi tuwing sasabak ka sa labas ng bansa.At ngayong sasabak ka sa kakaibang uri ng laban, dapat mong timbangin ang iyong magiging desisyon. Kilala kang sugarol, sabong at bilyar, kaya hindi ko matatawaran ang lakas ng loob mo sa pagpasok sa May 14 election.Umabot din sa milyones ang ipinapatalo mo. Pero hindi ka mapigilan ng mga nakapaligid sa ‘yo. Pera mo ‘yan at ayaw din nilang magalit ka at mawalan din sila ng pagkakakitaan.Narinig ko na na gustong makatulong sa mga kababayan mo sa Gen. Santos City kaya tatakbo ka sa Kongreso. Mali ang posisyong pupuntahan mo. Dapat Gobernador o Mayor ang subukan mo dahil mas direkta kang makakatulong sa mga kababayan mo.Ang mambabatas ay taga-gawa ng batas hindi tagapag-implementa nito. Nananatiling pangarap lamang ang nais mong pag-unlad ng mga kababayan mo, kung hindi magiging ganap na batas ang panukala mo.Mas maigi rin kung magiging pilantropo ka o magtatag ng isang foundation. Tulungan mo ang mga anak ng mga namatay, naging baldado, naghirap na mga kapwa mo boksingero. Malaki ang problema ng boksing sa Pilipinas at ‘yun ang unahin mo dahil ‘yun ang malapit sa puso.Kung sulsol ng mga ‘trapo’ ang kinonsidera mo sa iyong desisyon, delikado ka. Walang tunay na kaibigan ang hihimok na lumahok sa isang eleksyon o pasukin ang politika ang kanyang kaibigan. Hangang magagamit ka nila, kauri ka. Subalit oras na malaos ka na, mag-isa ka na lang.Habang ang buhay mo ay nasa lona pa, doon ka muna. Kung magdedesisyon kang magretiro tsaka ka lamang subukan ang panibagong hamon. Lubhang mapanganib ang pagharap mo sa dalawang panginoon. Maaaring magtagumpay ka sa isa o matalo ka sa dalawa.Hindi ko inaasahang bibigyan mo ng pansin ang kolum na ito. Puwedeng itago ng mga nakapaligid sa ‘yo at maiba ang kuwento. Anuman ang mangyari sa iyo sa Mayo 14, magwagi o matalo, kahit papaano may babalikan ka na makakatulong na maging mas matalino ka sa mga susunod mong desisyon. At asahan mo, wala kang maririnig na paghuhusga sa akin.Minsan, kailangan nating maranasan ang lahat - kayamanan at kapangyarihan, para mabatid mo na sa huli na hindi pala ito ang magpapasaya sa iyo at siyang sagot sa mga katanungan mo. Madaling manalo ang katulad mo, ngunit hindi iyon ang problema. Ang pinakamalaking problema, kapag nanalo ka na.Simplehan natin, alam mo ba na malaki ang mababago sa buhay mo. Hindi ka na puwedeng mag-ubos ng oras sa sabungan o mga derby. Hindi ka na maaaring magdamagang maglaro ng bilyar. Hindi ka na rin puwedeng gumawa ng mga gawain na pambarako. Alam mo ang ibig kong sabihin.Kapag public official ka na, lahat nakatutok sa iyo. Mula sa media hanggang sa mga makakalaban mo sa susunod na eleksyon. Handa ka ba sa mga panlalait? Kaya mo bang daluhan lahat ng kasal, binyag at patay? Pati ang mga kapistahan hindi lamang sa lugar kundi sa kalapit na lalawigan. Kaya mo bang gumising sa umaga para magbasa ng diyaryo, makinig sa radyo at manood ng TV, para di ka mahuli sa balita?Pareho tayong laki sa hirap. Pero nagsikap ako at gumapang para magkaroon ng titulo at magkaroon ng patas na pakikipaglaban sa lipunan. Makakabuting unahin mo na tapusin ang edukasyon at magsilbi kang inspirasyon ng mga mahihirap na kabataan. Hindi sa basagan ng mukha natatapos ang buhay ng isang boksingero. Iba ang tingin sa iyo kapag nakapag-aral ka.Maniwala ka Manny, masarap makatulong kahit wala kang posisyon. Mas totoo ang paglilingkod. Walang hihintaying kapalit. Walang pagdududa. Tapat ang pasasalamat ng mga natutulungan mo. Tunay ang makakaharap mong mga kaibigan.Alam ko ito, dahil may foundation din ako.
Nagmamalasakit,iGAN
Lord, Kayo na po ang bahala kay Manny.
No comments:
Post a Comment